Mga Pasasalamat Namin sa Gitna ng Pandemya
Nasasabik na ang mga mag-aaral at mga magulang na maibabalik na ang face to face classes, kaya lamang nag-iingat talaga ang ating gobyerno at ang Kagawaran ng Edukasyon dahil kaligtasan ng mga kabataan ang nakasalalay dito lalo pa’t patuloy pa rin ang pananalasa ni covid 19. Sa ngayon, ang mga magulang ang nagsisilbing guro para magtuturo sa kanilang mga anak sa kanilang mga bahay at sa tulong ng mga self-learning modules at activity sheets. Ang mga guro naman ay patuloy pa rin ang mga gawain sa apat na sulok ng kanilang mga silid-aralan. Sumasali din ang mga guro sa mga webinars para madagdagan pa ang mga kaalaman kung paano ituturo ang mga makabagong paraan at napapanahong pag-uusap na naaayon sa new normal na sitwasyon.
Sa mga nakakaalarmang pangyayari ngayon sa buong mundo, hindi ito naging balakid sa patuloy na pasasalamat ng mga guro sa ating Poong Maykapal sa mga panalanging natanggap sa pang-araw-araw at proteksyon na nakaiwas sa covid 19. Nagpapasalamat din kami sa pamahalaang nasyonal o lokal man dahil kahit may pandemya pero itinuloy pa rin nila ang mga proyekto na nakalaan sa ating paaralan. Nagpapasalamat din kami sa suporta ng Kagawaran ng Edukasyon, sa aming kapwa guro, mga magulang, at mga stakeholders sa pag-iintindihan sa kabila ng krisis na ito. Nagpapasalamat din kami sa pagpupugay ng buong mundo para sa mga guro sa pamamagitan ng paglunsad ng isang selebrasyon, ang “World Teacher’s Day” tuwing ika-lima ng Setyembre hanggang ika-lima ng Oktobre. Ibang-iba sa nakasanayan na ang selebrasyon ngayon. Limitado ang mga manonood lalong-lalo na wala pa namang mga magulang at kabataan sa paaralan para makilahok bagkus ay tuloy pa rin ang kasiyahan.
Ang Mababang Paaralan ng Libertad, Unang Distrito ng Dumingag ay nakilahok sa kulminasyon ng World Teacher’s Day. Sa ika-lima ng Oktobre sa ika-sampu ng umaga kaming walong mga guro ay nagtipon-tipon at nakisaya. Ginawa naman namin ang mga hakbang sa pag-iingat na alinsunod sa patakaran ng gobyerno. Hindi naman bonggang-bongga ang aming selebrasyon ngunit naipahayag namin ang aming mga pagbati at mensahe sa isa’t isa. Umuwi kami nang may kasiyahan sa aming mga puso at siyempre pa bitbit ang isang punla ng lansones mula sa aming punongguro bilang tanda ng pagpapahalaga. Itatanim namin ito sa aming mga bakuran at aalagaan ng may pagmamahal kagaya ng pag-aalaga namin sa aming mga mag-aaral at naway uusbong ito at hihitik ang bunga at magpapaalala sa tamis ng aming pakikisama.