SUKATAN

ni: Baby Joy T. Tomarong

Ano nga ba ang sukatan? Hindi maikakaila na ang COVID 19 lockdown ay may positibo at negatibong hatid sa bawat indibidwal. Ayon kay Cristy Fermin sa kanyang artikulong “COVID may positibong epekto rin!”, ay hindi maikakailang mapasang-ayon tayo sa kanyang mga pahayag na sa pamamagitan ng ECQ ay nagiging solido ang pagsasama ng bawat pamilya.

Ang isa pang magandang naidulot nito, ay nakatipid ang bawat magulang sa gastusing mag-aaral. Tulad halimbawa ng pamasahe, boarding house at baon sa eskwelahan. Subalit sa kabila ng mga positibong pananaw na ito ay mas nakalalamang ang negatibong hatid ng Covid sa mga tao. Walang sinuman sa atin ngayon ang hindi naghahangad na bumalik ang lahat sa dati. Lalo na sa usaping edukasyon.

Marami sa mga mag-aaral ngayon ang hindi kampante sa kanilang mga markang nakukuha sa nakaraang taon. Maraming magagaling na bumaba ang grado at marami ring mahihina na tumaas ang grado lalong lalo na sa modular class. Kung titingnan nating mabuti ang ganitong sitwasyon ay napakadali lamang ng sagot. Syempre sasabihin nating hindi na seryosong mag-aaral ang magagaling na estudyante, kulang sa modyul o huli magpasa ng modyul, hindi nasagutan lahat ng gawain at ang mahihina na estudyante ay nag-aral na ng mabuti, kompleto sa modyul at on-time magpasa. Napakadali lang diba?

Paano kung sasabihin ng magagaling na estudyante na nag-aral siya ng mabuti, kompleto siya sa gawain sa modyul, nasagutan ang lahat ng mga gawain may homework at iba pang mga pagsubok tapos sasabihin niyang hindi niya nakikita ang kanyang mga iskor pagkatapos magpasa ng mga gawain. Anong sasabihin nating mga guro?

Hindi naman sa nilalahat ko ang mga guro pero meron pa ring ibang mga guro dyan na madaling makalimot sa tunay nilang obligasyon bilang isang guro. Paano nga ba nila sinusukat ang mga marka ng mga mag-aaral sa modular class na kung tutuusin malayang makakopya ang mga mag-aaral sa kanilang mga kaklase. Aminin man natin o hindi sasali pa ang mga magulang sa pagsagot ng modyul. Sa katunayan may ibang mga mag-aaral na sumali ng mga pambansang patimpalak na hindi nabigyan ng puntos. Ano ang sukatan ng guro sa pagbibigay niya ng marka?

Masakit isipin na kung sino pa yong nakakuha ng maliit na grado o iyong hindi mga top 10 ay siya pa ngayong pumasa sa mga scholarship na binigay ng CHED at DOST para sa kolehiyo. Samantala yong iba na nasa top 10 o mga with honors ay hindi pumasa. Dumaan din tayo sa pagiging estudyante huwag nating ikompara ang ating sarili sa kanila at lalong huwag nating iparanas ang hindi magandang karanasang dinaanan natin noon sa sitwasyon nila ngayon.

Ang mabuting guro ay nagbibigay inspirasyon at pag-asa sa kanyang mga mag-aaral. Oo at marami tayong gawain, pero huwag sana nating kalimutan na pinili natin ang ating propesyon. Tulungan natin ang ating mga mag-aaral. Huwag natin silang hayaang mawalan ng interes. Hilain natin sila pataas huwag pababa.

Baby Joy T. Tomarong, Teacher I from Aurora National High School Aurora East District